MARY GRACE DELA CRUZ: "NABUDOL" PARA KUMUHA NG ARCHITECTURE, LISENSIYADO NA NGAYON

Isa si Mary Grace dela Cruz, 25,  tubong Roxas, Isabela, sa mga pumasa sa January 2023 Licensure Examination for Architects.

Nagtapos siya ng Bachelor of Science in Architecture sa Isabela State University noong June 21, 2019.

Magsasaka ang kanyang ama, at may munting sari-sari store ang kanyang ina.

Pangalawa siya sa tatlong magkakapatid.

Pagbabahagi ni Mary Grace nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) via Facebook Messenger last March 12, "Hindi ko talaga gustong mag-arkitekto.

"Ni wala nga akong ideya tungkol sa kurso ko maliban sa isang subject ng drafting noong fourth year high school."

Ang gusto raw talaga niya noon ay kumuha ng computer science dahil mahilig siya sa computer.

"Gusto ko rin sanang mag-mass communication dahil aktibo ako noon sa aming high school publication, at sumali rin sa radio broadcasting."

Read: Kyle Moseños, nasabihang "pogi lang iyan, pero hindi ga-graduate iyan," twice naging board topnotcher

"NABUDOL" NG KAKLASE KAYA NAG-ARCHITECTURE

Isang araw bago ang high school graduation nina Mary Grace, nagtanungan silang magkakaklase kung ano ang kukuning kurso.

Lahad niya, "Wala ako noong maisagot dahil hindi ako sigurado.

"Isang classmate ko ang sumingit sa usapan at sinabing mag-architecture na lang daw kami dahil pareho kaming marunong mag-drawing."

Nang tanungin niya ang kaklase ng tungkol sa architecture, sagot daw nito, "Para raw pinagsamang fine arts at engineering pero walang gaanong math."

Napahinuhod siya ng kaklase.

Para lang matuklasan na "nabudol" siya nito.

"Naka-enroll na ako, pero nalaman kong kumuha siya ng BS Pharmacy sa Baguio.

"Wala akong nagawa kundi panindigan ang desisyon kong mag-arkitektura."

Read: Loi Canino: Nag-shift, ligwak sa scholarship, Top 9 sa board exam at may PHP300K cash gift

Hindi rin naman daw pinayagan si Mary Grace ng kanyang parents sa mga kursong talagang gusto niya.

"Dahil wala naman daw kaming computer, at hindi raw ako yayaman sa pagiging journalist."

Gusto ng kanyang ama na maging teacher siya. Pero kahit pumasa siya sa Philippine Normal University, "Hindi ko itinuloy dahil hindi iyon ang gusto kong gawin."

Ayon kay Mary Grace, walang arkitekto sa kanilang pamilya, at siya ang pinakauna. May engineer ngunit hindi civil engineering ang field.

Karamihan sa mga kamag-anak niya ay kumukuha ng medical courses.

"Kaya growing up, wala talagang nag-inspire sa akin sa tinahak kong landas.

"Yung kuya ko, hindi rin nakatapos, at yung bunso namin ay criminology ang kinuha."

BUMAGSAK SA MATH, LAGING SABIT LANG ANG GRADES

Inakala ni Mary Grace na makasasabay siya sa mga kaklase sa kolehiyo dahil marunong siyang mag-drawing at consistent na nasa highest section noong high school.

Pero pagdating sa college, "Na-realize ko na average lang akong mag-aaral."

Bumagsak pa siya sa isang math subject.

"Unang beses kong makatanggap ng singko o bagsak na marka sa buong buhay ko.

"Para akong pinagsakluban ng langit at lupa!"

Umiiyak siya nang umuwi sa boarding house. Hindi rin niya ipinaalam iyon sa kanyang parents. "Dahil sa takot na paghintuin nila ako."

Hanggang sa makasanayan na niyang makatanggap ng mababang marka sa major subjects. "Hindi man ako bumabagsak, pero sabit lahat ang grades ko.

"Isa ako sa pito mula sa buong batch namin na on time ngang naka-graduate, pero pakiramdam ko sa sarili ko ay sumasabit lang ako sa lahat ng bagay.

"Nakaranas ako ng imposter syndrome, na sinuwerte lang sa achievements ko noong college."

Naging problema rin ni Mary Grace ang gastusin, pero may lola siyang laging to the rescue sa kanya.

"Lalo na nung kinailangan namin ng laptop. Ang Lola Corazon ko ang isa sa dahilan kung bakit naka-graduate ako."

Ito ang laging nagdadagdag ng allowance niya kapag hindi siya nabibigyan ng kanyang parents.  

"Maliit lang ang kinikita nina Mama at Papa sa aming sari-sari store at pagsasaka.

"Minsan kailangan pang mamasada ni Papa para may pambili ako ng gamit sa school."

Read: Top 2 sa board exam, Eat Bulaga! scholar na dating nakatira sa ilalim ng tulay

ACTIVE SA SCHOOL ORGANIZATION

Isa naman sa magagandang yugto ng college life ni Mary Grace ang pagiging opisyal ng kanilang school organization.

"Ginugol ko yung free time ko sa pagiging active sa org.

"Nagkabuhay ang buhay ko kahit alam kong hindi ako yung pinakamagaling sa batch namin."

Ibinuhos niya ang talento sa pagtulong sa org para mapaganda ang college experience ng architecture students sa kanilang school.

"Nakasalamuha ko rin ang ibang architecture students mula sa iba’t ibang school sa Pilipinas dahil sa org.

"Nakarating ako sa Singapore bilang representative ng school namin dahil sa pagsali ko sa student organization."

Dahil doon, "Lumawak yung tingin ko sa mundo at nabuhayan ako ng loob.

Na-realize din niya: "Ang ganda pala ng kurso ko.

"Kaming mga arkitekto, kaya pala naming bumuo from scratch ng design ng buildings at maka-contribute sa pagbabago ng mga komunidad by providing good design ng environment namin, at sa pamamagitan ng sustainable design at urban planning."

PUMANAW ANG KANYANG LOLA, NAHIRAPAN SA REVIEW AT BOARD EXAM

Ikinalungkot naman ni Mary Grace na pagka-graduate niya ay pumanaw na ang kanyang lola sanhi ng pneumonia.

"Pakiramdam ko noon, hinintay lang niya akong maka-graduate."

Naghanap din agad siya ng trabaho.

"After college, hindi na ako humingi sa parents ko maliban na lamang noong pandemic at na-stuck ako sa Manila.

"Naubos ang ipon ko that time sa kakahintay na makabalik sa trabaho."

Nang mag-review sa board exam ay hindi siya umalis sa trabaho dahil hindi niya talaga kaya na walang income.

"Puspusan ang pagre-review ko kahit minsan nahihirapan akong intindihin yung inaaaral ko."

Pakiramdam daw niya noon ay hindi siya papasa.

"Ang baba kasi ng mock exams ko."

Read: Rahma Arabani: pasado sa board exam, panalo sa mga pagsubok na pinagdaanan

Araw-araw siyang umiiyak dahil naiisip niyang hindi siya papasa.

"Naiisip ko na naman yung kailangan kong gastusin para sa review. Natatakot din akong ma-disappoint yung magulang ko dahil ipinilit ko lang yung kurso ko sa kanila."

Ang isa pa niyang pabigat na isipin, "Bumagsak sa board exam yung nakakabata kong kapatid, kaya grabe yung pressure na kahit sa akin man lang makabawi sila."

Nahirapan siya sa board exam dahil alam niya sa sarili na maikli lang ang kanyang preparasyon.

"Lalo na dun sa day 2. Nakasagot lang ako dahil yung huling nabuklat ko bago yung day ng exam ay lumabas, kaya ang laki ng pasasalamat ko sa Diyos."

"HINDI LANG ANG MGA TALENTADO ANG UMAANGAT"

Aminado naman si Mary Grace na pinangarap niyang sana ay maging topnotcher, "Pero hindi ko talaga kaya yung ganoong level ng talino."

Kaya laking pasasalamat niya nang lumabas ang resulta ay isa siya sa mga nakapasa.

Inialay ni Mary Grace ang tagumpay sa kanyang namayapang Lola Corazon, mga magulang at kapatid.

At sa kanyang boyfriend. "Inintindi niya ako during review.

"Kapag inaaway ko siya, hindi niya ako pinapatulan dahil alam niyang kapag malungkot ako ay hindi ako nakaka-review at nagmumukmok lang sa higaan."

Pinapadalhan din siya nito ng pagkain at tinutulungan sa mga labahin.

"Thankful talaga ako sa kanya dahil nung time na hindi ko mai-share sa magulang ko na nahihirapan ako, nariyan siya sa tabi ko at nakikinig sa mga bagay na di ko masabi sa iba."

Sa ngayon, ang main goal ni Mary Grace ay makatulong sa kanyang parents.

"Yung maipagawa ang bahay namin at mabayaran ang mga utang, hahaha!

"Balak ko ring mag-abroad in the future, o magtayo ng sarili kong design firm."

Read: Van Gabriel Pineda, after malugi sa tapsi business, nag-Top 8 sa board exam

Ang payo niya sa mga kabataang gustong maging arkitekto: "Hindi ka man yung pinakamagaling, kung masipag ka, papasa ka pa rin sa mga subjects mo at maaaring manguna ka pa nga.

"Hindi lang ang mga talentado ang umaangat kundi pati ang mga masisipag at may lakas ng loob."

Ipinayo rin ni Mary Grace na manghingi ng tips sa older batch, at sumali sa organisasyon para magkaroon ng ibang pinagkakaabalahan maliban sa pag-aaral.

2023-03-18T12:20:04Z dg43tfdfdgfd